UNANG TAGPO: UNANG GABI
Dito magsisimula ang lahat.
Ito ang ‘di inaasahang pagkikita.
Kung saan ang mga bagay-bagay ay walang kabuluhan.
Kung saan ang malamig na gabi ay mananatili paring malamig na gabi.
Nakakatakot ang unang pagtatagpo.
Maraya.
Subalit dito rin matatapos ang lahat.
Kung saan bawat tinginan ay magkakaroon na ng kahulugan.
Ang bawat galaw ay mayroon ng kabuluhan.
Makamandag ang bawat titig.
Parang lason na ngayon ang halimuyak ng kanyang katawan.
Tatagos sa mga buto mo ang libidong ngayo’y nagsusumigaw na’t gusto ng lumaya.
Madadaig ka ng iyong pagnanasa.
Tukso ang bawat paggalaw ng kanyang labi.
Sumpa ang bawat pagsanggi ng inyong mga mata.
At sa paglalim ng gabi, magaganap ang hindi inaasahan.
Magdidikit ang inyong mga labi.
Maglalapat ang bawat parte ng inyong katawan.
Magmimistulang apoy kayong dalawa.
Nakakapaso.
Sa maikling panahon, makakamtan mo ang pang-walang hanggang kasarapan.
At magigising kang nabahiran na ng sumpa ang iyong kaluluwa.
Subalit ang kaibahan ngayon… hindi ka mag-isa.
May kasama ka.
Ito ang natatanging sandali kung saan mapapa-pikit ka at mataimtim na hihiling kay Bathala…
Na ang gabing ito ay maging higit sa anumang gabi ng buhay mo.
Ang dating malamig na gabi ay nag-aalab na.
Ito ang tinatawag nilang ONE NIGHT STAND.
ANG MGA SUS
Sa mga darating na araw, mag-iiba ang pag-ikot ng iyong mundo.
Magbabago ang lahat.
Pakuwari mo ngayo’y musmos uli ang iyong puso.
Kakaiba ang pagtibok.
Mabilis.
Tuwing iipikit mo ang iyong mga mata’y nakikita mo ang mukha niya.
Naririnig mo siyang umuungol sa iyong mga tenga.
Naaamoy mo ang halimuyak ng bawat patak ng pawis sa katawan niya.
Madadaig ka ng matinding pagnanasa.
Ng masalimuot na paghahanap.
Maghihintay ka.
Ito ang Sumpa ng di-malilimutang gabi ng buhay mo.
Mag-iiba ang iyong pagnanais.
Maghahangad ka ng higit pa.
Aasa ka.
At aasa pa…
HULING TAGPO: HULING GABI
At sa inyong muling pagkikita’y masusubukan ang lahat.
Marahil ito ang pinakamasayang araw mo.
Sa wakas, tapos na ang paghihintay.
Nasa harapan mo na siya.
Nasa harapan mo na ang gamot sa Sumpa.
Ang pinagmulan din mismo ng Sumpa.
Sa puntong ito matatapos ang kahibangan mo.
Matitigil ang pagnanasa mo.
Mamumulat ka sa katotohanan.
Masakit.
Masalimuot.
Matabang.
Ito ang katotohanan ng isang gabing kaligayahan.
Ito ang sumpang bumabalot sa iyo.
Magiging kasing lamig muli ng gabi ang puso mo.
Dahil umasa ka.
Naghintay gayung alam mong wala namang darating.
Ang isang One Night Stand.
Tulad ng iba at marami pang One Night Stand sa mundo.
Ay mananatiling One Night Stand lamang.
Ordinaryo.
Walang kabuluhan.
Walang kahulugan.
Ito ang katotohanang hindi mo kailanman matatakasan.
Ito ang pinakamahabang gabi ng buhay mo.
No comments:
Post a Comment